Mas madali natin itong mauunawaan kung ang una nating aalamin ay kung bakit Si Cristo ay napunta sa ating daigdig at nangaral. Sa Juan 3:16 ay pinatunayan na dahil sa labis na pagmamahal ng AMA sa mga taong Kanyang nilalang ay isinugo sa lupa ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya ay magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan. Ngayon, ang salita po bang isinugo sa sanlibutan ay nangangahulugan na dito sa daigdig Siya nagsimula na maging Anak ng DIOS AMA o sa langit pa lang ay naroon na Siya na pinababa lang sa lupa? Si Cristo mismo ang nagpatunay na galing Siya sa AMA, bumaba Siya sa lupa at muli Siyang babalik sa Kanyang AMA Juan 16:27-28.
Pinatunayan pa rin ng Panginoon na Siya ay binigyan lamang ng AMA ng mga utos na kung ano lamang ang dapat Niyang sabihin o salitain Juan 12:48-50; 7:15-16. Nilinaw pa rin Ni Cristo na "Siya" ay bumaba sa lupa upang ang gawin ay ang kalooban ng AMA at hindi ang sarili Niyang kalooban Juan 6:38. Maliwanag na hindi sa lupa Siya naging "Siya" kundi sa langit pa lang ay "Siya" na ang Anak na kapiling ng Kanyang AMA Kawikaan 8:22-30. At Si Cristo din ang nagpatunay na bago pa lang lalangin ang sanlibutang ito ay tumanggap na "Siya" ng kaluwalhatian at parangal sa AMA Juan 17:5,24 pagkat iniibig na Siya ng AMA bago pa lang itatag ang sanlibutang ito. Ngayon ang tanong na kailan ay pamanahon. Nang mangaral po Si CRISTO ang edad Niya ay 30 taon Lucas 3:21-23 pagkatapos na Siya ay mabautismuhan at makapag-ayunong 40 araw at 40 gabi Lucas 4:13-15. At para malaman natin kung anong taon ng magsimulang mangaral Si Jesus sa edad Niya na 30 taon, ay dapat nating alamin kung anong taon naman Siya isinilang sa katawang-tao. Nang isilang po ang Panginoong Jesus ay huling taon na ng paghahari ni Herodes sa Jerusalem, Judea Mateo 2:1-2, ang mag-anak ay pinagtago ng Anghel sa Egipto upang iligtas ang Nino Jesus Mateo 2:13-15 at nagbalik ng mamatay na si Herodes dahil sa sumpa Mateo 2:14-23. Maliwanag na sanggol pa rin ang Nino Jesus nang sila ay bumalik at sa Nazareth naman ng Galilea manirahan. At kaya sa sa Galilea sila tumira ay dahil si Arquelao ang pumalit sa ama niyang si Herodes. Si Herodes ang Dakila ay nagsimulang maghari sa Jerusalem noong 37-4 B.C. samakatuwid ay humalili si Arquelao noong 3 B.C. Kaya malinaw na noong huling taon ni Herodes isinilang ang Nino Jesus at iyan ay pinatunayan sa Bibliang salin ng Oxford University (ang SRB). Ngunit sa saling 'Magandang Balita Biblia (M.B.B.), pahina 334 (footnote) ay tinataya nila na 6 B.C. isinilang. Ngunit kung 6 B.C. ipinanganak ang Nino Jesus, lalabas na noong 3 B.C. ay tatlong taon na ang edad ng Panginoong Jesus at hindi na Siya sanggol sa edad na iyon. Samantalang nang kausapin ng Anghel sa Ehipto ang mag-asawang Jose at pabalikin sila sa Judea ay sanggol pa rin Si Jesus Mateo 2:19-23. Kaya mas tama ang salin sa S.R.B. na 4 B.C. nang Siya ay isilang. Ngayon, kung nang magsimulang mangaral ang Panginoong Jesus ay 30 taon ang Kanyang edad, samakatuwid ay 26 A.D. nang Siya ay magsimulang magbuo ng mga tao (tupa) bilang isang iglesia na ang mga pangunahin dito ay mga apostol, mga propeta, mga guro at mga miembro I Corinto 12:28-30.
- mula sa "Iglesia ng Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo
(Church of God the Father and in the Lord Jesus Christ)"