Miyerkules, Disyembre 19, 2012

Totoo ba ang Itinuro ng mga INC na ang CRISTO sa Pasimula ay Balak o Panukala Lang ng AMA ?


     Maaaring hindi rin natin marapat na sisihin ng lubusan ang mga kaibigan nating mga ministro ng I.N.C. sapagkat sa pagkakasalin ni P. Juan Trinidad sa "Ang Bagong Tipan ng Ating Mananakop at Panginoong Jesucristo" sa I Pedro 1:20 ay isinalin niya na Si CRISTO ay nasa isip na ng DIOS AMA noon at inihayag lang sa huling panahon.  Ang saling ito ni P. Juan Trinidad ay mapapansin natin na may ipinakilalalang "trinity' sa langit I Juan 5:7 (A.B.T.)
     Ang tatlong nagpapatotoo sa langit ay ang AMA, ang VERBO, at ang ESPIRITU SANTO at ang tatlong ito ay isa lamang.  Kung sang-ayon kay P. Juan Trinidad na ang AMA at ang VERBO ay isang Dios lamang, maliwanag na ang isip ng AMA noon (kasama ang VERBO) ay ang katawang panghandog na ilalaan na sasakyan Niya pagbaba sa lupa Hebreo 10:5-10.  Pagkat siya din ang nagsalin na ang VERBO sa mula't mula pa ay Dios na at kasama na ng AMA na ipinanlikha ng lahat ng mga bagay Juan 1:1-3 (A.B.T.).  Hindi kaya nagkulang lang ng pagsusuri sa iba't ibang salin ng Biblia ang mga kaibigan nating mga ministro ng I.N.C.?  O sadyang ginamit na lang nilang batayan ang pagkasaling ito ni P. Juan Trinidad para mapatibay nila ang kanilang mga miembro na talagang nagsimula lang sa pagiging tao ang CRISTO?  Kung babasahin natin ang paunang salita ng salin niyang ito ay mababasa natin na ito ay hinusay at dinagdagan ni P. Juan M.H. Ledesma.  Ang tanong:  Alin ang dinagdagan at alin ang hinusay?